Thursday, October 4, 2012

Exam Invigilation Day 5 - General Science

            Last day of the exams ngayon for the students, swerte ko wala akong kahit anong invigilation duties. Legal ang pagsusulat ko. This time I will not talk about the mentioned subject above kasi baka maging bias lang ako dahil yan ang subject na tinuturo ko. Mas maganda kung ibang topic na lang. Sakto! World Teachers Day ngayon at ako ay isang guro – kagaya mo.

            Kung tutuusin, lahat naman tayo ay maituturing na isang guro sa kung anong aspeto o parte man ng buhay tayo nabibilang. Lahat naman tayo ay  may kakayahang magturo, kung ito man ay may kadalian o kahirapan, o kaya naman ay natutunan natin sa iba ding guro o kaya naman ay itinuro sa atin ng tinatawag nating “experience”. May iba nga lang na kagaya ko ay nagpakadalubhasa at sinuyod ng mabuti ang sining ng pagtuturo at pinili ang landas na mahirap tahakin at bagtasin. I’m sure marami ang sasang-ayon sa aking huling sinabi.

            Lahat naman tayo ay matatawag na guro and at the same time ay naging estudyante, mabuti man o hindi bahala ka ng humusga, belat! Naaalala ko noong nag-aaral pa ako upang maging isang mahusay at mabuting guro, may nakapagsabi sa akin at sa sampu ng aking mga kamag-aral na, “kung walang teacher, wala din ang ibang propesyon.” Ang mga doktor, inhinyero, arkitekto, mga nars, siyentipiko, pilosopo, abogado, mambabatas, congressman, senador at mi ultimo ang president ng bansa ay dumaan sa iba’t-ibang klase ng teacher. Sila ay hinubog, nahikayat o naimpluwensyahan din ng kanilang mga naging guro. Kagaya nila, ako ay naimpluwnesyahan din ng aking mga naging titser.

            Aminin man natin o hindi, bawat isa sa atin ay may kinagigiliwan at pinagpapantasyahang (kung ano man yun, bahala ka na ulit) Ma’am at Sir noong nag-aaral pa. At siyempre kung may teacher’s enemy, sigurado ako mayroon ding student’s enemy version ng mga guro. Lahat sila ay may impact directly or indirectly kung nasaan man tayo ngayon, maliit man o malaki ang ganap.

            Madali na mahirap ang pagiging guro. Madali siya in a sense na kung ikaw yung tipo ng tao na nag-eenjoy sa paghuhubog ng mga mura at masasayang isip, para mo ng playground ang classroom at ang school ay isang malaking amusement park. Masaya magturo. Masayang makipagkulitan sa mga estudyante at masaya ding malaman na masaya sila sa iyo. Nagiging mahirap lang ito kasi bukod sa paglilinang at paghuhubog ng  personalidad ng mga magiging mamamayan sa hinaharap, kailangan mo ng balance. Balanseng buhay. Mahirap kasi maraming dapat isaalang-alang – in short – demanding. Mula sa simpleng ayos ng buhok; itsura at expression ng mukha; postura ng pagtindig, paglakad at pagkilos; salitang sinasambit; pananamit; bugso ng dadamdamin hanggang sa mga bagay na pinopost sa cyberspace, lugar na pinupuntahan, libangan at nararamdaman ng kalooban; lahat ng ito ay may dagliang epekto sa pagiging guro mo sa loob o labas man ng silid-aralan. Ngunit nais kong ipabatid, gaya ninyo, na tao din ang mga guro – may karapatan.  

            Maselan ang landas na tinatahak ng bawat Miss at Mister ng paaralan. Maselan dahil sa mga guro nakasalalay kung ano ang magiging itsura ng hinaharap. Maselan kasi may mga bagay na kailangang iprioritize bago ang sarili. Maselan kasi hindi lang ang asignaturang iyong pinag-aralan ang iyong ituturo. Maselan kasi hindi lang sa loob ng klasrum nagaganap ang pagtuturo. At maselan kasi hindi lang isa o dalawa o tatlong murang isipan lang ang tatamnan mo kung hindi X multiplied to Y ang peg nito. Where X is the number of students per class multiplied to Y, where Y is the number of classes you handle. Boom! Ganoon siya karami, idagdag mo pa pala ang Z, where Z is the number of years you’ve been teaching. Nakanang! Nag-maths ako! WOW!

            Mukha mang relationship status na it’s complicated ang pagiging titser, hindi naman matatawaran ng kahit anong pisikal na yaman ang tagumpay ng pagiging isang mabuting guro. Hindi man natutumbasan ng pilak, ginto o kapal ng laman ng wallet ang sakripisyong iniinda ng bawat guro, sapat ng yaman ang makita ang mga murang isip na natamnan na maabot ang kanilang mga pangarap na minsa’y isang kathang isip lamang. Sapat na maalala at mapasalamatan at paminsan-minsang maambunan ng tiwalang minsa’y inasam mo din sa iyong mga naging taga-hubog.

            Ang pagiging guro ay hindi nagsisimula sa oras na pumatak ang ala-siyete o sa pagpasok mo sa silid aralan o natatapos sa pag-ring ng bell sa hapon. Ito ay isang buhay, buhay na ibinabahagi upang maging inspirasyon at ipagpatuloy ang paghubog ng mabuting mamamayan sa mga susunod na henerasyon.

SALAMAT SA MGA NAGING TEACHER NG BUHAY KO – SALAMAT SA IYO!